Speech of Vice President Jejomar C. Binay for the Feb. 9 proclamation rally

FEBRUARY 09, 2016 Campaign kick-off of VP Jejomar Binay for president and Sen. Gringo Honasan vie-president held in Nueve de Pebrero, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City: Binay delivering his speech. INQUIRER PHOTO/LYN RILLON

Vice President Jejomar Binay delivers his speech during the campaign rally in Nueve de Pebrero, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City. LYN RILLON

SA ating mahal na kaibigan at tunay na makabayang pilipino, ang ating Senador Juan Ponce Enrile;

Sa ating magiging kasangga sa paglaban sa kriminalidad, ang magiting at matapang na senador ng bayan, Gringo Honasan;

Sa ating mga kandidato sa pagka senador ng UNA:

Alma Moreno, Princess Jacel Kiram, Rey Langit, Alan Montano, General Napeñas at Manny Pacquiao;

Sa isa pa nating kaibigan, ang kandidatong magbibigay ng malasakit sa mahihirap, si Martin Romualdez;

Sa ating matikas at maaasahang mayor ng Mandaluyong, Mayor Benhur Abalos;

Sa ating mga kapanalig at kasama sa lungsod ng Mandaluyong;

Sa ating mga kaibigan, kapanalig, kapamilya, kapuso at kapatid mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila;

Sa mga kapwa ko nognog at pandak;

Mga kababayan, mga kapwa Pilipino:

Sa gabing ito, sa piling ninyong lahat, sa piling ng masang Pilipino,

Nakikita ko, naririnig ko, ramdam na ramdam ko,  ang pagkauhaw at paghahangad ninyo ng  makabuluhang pagbabago.

Pagbabago tungo sa isang Pilipinas na pinagsasaluhan at tinatamasa ang pag-unlad. Hindi lamang ng iilang mga mayayaman, kundi lahat ng Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.

Pagbabago tungo sa isang pamahalaang taimtim na nakikinig, kumikilos nang mabilis at naglilingkod nang tapat sa bawat mamamayan.

Pagbabago tungo sa isang bansang payapa, masagana at taas-noong humaharap sa mga hamon ng mundo.

Matatandaang sa simula ng kasalukuyang administrasyon, ipinangako sa atin na sa loob ng anim na taon ay  mawawala na ang  kahirapan.

Malapit nang matapos ang anim na taon, ngunit imbes na mawala o mabawasan man lang, mas lalo pang dumami ang mahihirap.

At sa gitna ng pag-unlad ng iilan sa sinasabing tuwid na daan, milyun-milyong kababayan pa rin natin ang walang trabaho, lugmok sa hirap, kapos sa pag-aaral, kulang ang pambili ng gamot at araw-araw ay kumakalam ang sikmura.

Ito ang tunay at masaklap na kalagayan ng ating bansa noon pa  man at hanggang ngayon.

Hindi ba’t nakakalungkot isipin na kung sino pa ang gumagawa ng mga matatayog na gusali at mararangyang mansyon, siya pa ang  walang sariling tahanan?

Kung sino pa ang nagtatanim at umaani ng butil na ating kinakain, siya pa ang laging nagugutom?

Kung sino pa ang bumubuhay at nagtataguyod  ng ating industriya, siya pa ang  binubuwisan nang malaki at walang katiyakan sa trabaho?

Kung sino pa ang kapos at nangangailangan, siya pa ang pinagkakaitan ng serbisyo ng pamahalaan?

Mga kababayan,

Walang saysay ang pinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya kung marami ang naghihirap.

Walang kabuluhan  ang pag-unlad kung marami ang walang trabaho.

Balewala sa isang taong gutom ang magandang balita tungkol sa ating ekonomiya.

Dapat may pagkain sa mesa ng bawat Pilipino. Dapat may trabaho ang may kakayanang magtrabaho.  Dapat nakapag-aaral ang mga kabataang pag-asa ng ating bayan. Dapat may murang gamot ang mga taong may sakit at walang namamatay dahil sa kahirapan.

At dapat, ang lahat ng ating mga kababayang pilipino ay nabubuhay nang maginhawa at kasama sa pag-unlad ng ating bayan.

Mga kababayan,

Halos anim na taon na ang lumipas ngunit hanggang ngayon, lubhang napakailap pa rin ng kasaganahan.

Noon, hanggang ngayon, may mga kababayan tayong kumakain ng isang beses lamang sa isang araw. Milyun-milyon ang graduate ng kolehiyo na hirap na hirap makakuha ng trabaho.

Halos anim na taon na ang dumaan ngunit lubhang napakailap pa rin ng katahimikan. Araw-araw, kabi-kabila ang nakawan at patayan, at lalong lumaganap ang problema ng illegal drugs.

Halos anim na taon na ang dumaan, ngunit hanggang ngayon, hindi nabibigyan ng tapat at nasa oras na serbisyo ang ating mga kababayan.

Mahabang pila sa mga opisina ng gobyerno, mga classroom na walang ilaw, mga relief goods na nabulok, mga barangay na walang tubig at kubeta, kahit na ang mga yan ay napondohan na.

Kaya’t ngayong papalapit na ang halalan, nangangarap at umaasa tayo ng tunay at makabuhulang pagbabago.

Nangangarap at umaasa tayo ng isang pamunuan na hindi magiging manhid, palpak at kapos sa pagkalinga sa mahihirap nating kababayan.

Sa darating na halalan, muling mabibigyan tayo ng pagkakataong iwasto ang mali.

Sa darating na halalan, muling ibinabalik sa atin ang kapangyarihan na mamili ng mga taong may karanasan,  may kakayanang mamuno, at may tunay na malasakit sa mahihirap.

Sa darating na halalan, muling ipinagkakaloob  sa atin ang kapangyarihang gawing totoo ang ating mga pangarap.

Kaya mga kababayan,

Sabay-sabay tayong  mangarap. Ipikit natin ang ating mga mata at ilarawan sa ating isipan:

Libreng gamot at pa-ospital, lalo na para sa mga mahihirap.

Libreng edukasyon, gamit pang-eskwela, uniporme, at aklat-pampaaralan.

Pagkain sa bawat mesa tatlong beses araw-araw.

Trabaho sa may kakayanang magtrabaho.

Maayos at maagap na serbisyo mula sa inyong pamahalaan.

Mga kababayan,

Noong ako ay magsimulang maglingkod bilang alkalde, ganyang-ganyan din ang pinangarap namin ng mga taga-Makati.

Ngunit marami sa aming  kritiko ang  nagsabing panaginip lang ito. Hindi ito pwedeng gawin, hindi ito pwedeng mangyari.

Pinatunayan namin sa mga namimintas at naninira na sila ay nagkamali. Ang mga pangarap noon, nangyayari at tinatamasa ng mga taga-Makati ngayon!

Kaya’t sa gabing ito, inuulit ko ang lagi kong sinasabi sa ating mga kababayan sa mga probinsya: ang nagawa namin sa makati, gagawin natin sa Pilipinas.

Ngunit may apat na dapat gawin kaagad upang maramdaman ng ating mga kababayan ang ginhawang hindi nila naramdaman sa nakalipas na mag-aanim na taon.

Itong apat na hakbang na ito ay pasisimulan ko sa unang taon ng aking pagka-pangulo.

Kapag ako na ang pangulo ng pilipinas, sisiguraduhin ko:

Na ang halos dalawampung milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan ay tatanggap ng libreng aklat, uniporme at mga gamit pampaaralan.

Para sa programang ito, maglalaan tayo ng higit na animnapu’t limang bilyon sa ating pambansang budget.

Kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas, makikipag-tulungan ang pamahalaan sa mga local governments at private sector para makapagpagamot nang libre ang mga mahihirap nating kababayan.

Kapag ako na ang pangulo ng Pilipinas, ipagpapatuloy, palalawakin at lilinisin natin ang programang pantawid pamilyang pilipino o 4ps!

Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan na ititigil daw ng inyong lingkod ang 4ps.  Hindi lang natin ipagpapatuloy, palalawakin pa natin ito para makasama ang mga edad sisenta hanggang sisenta y kwatro, at ang mas marami pa nating kababayan.

Lilinisin natin  ang programa para matiyak na walang palakasan at pulitika at walang nasasayang na pondo. At titiyakin natin na matatanggap ang 4ps sa tamang oras.

at kung ako na ang pangulo ng pilipinas, aalisin natin ang income tax ng mga kababayan natin na kumikita kada buwan ng thirty thousand pesos at pababa.

Sa mga nagsasabing hindi ito pwedeng mangyari dahil malulugi ang pamahalaan, simple lang ang sagot ko:

Bilyun-bilyon ang nawawala sa pera ng bayan sa smuggling. Bilyun-bilyon ang nawawala dahil hindi wasto ang pangongolekta ng buwis sa mga mayayaman. Bilyun-bilyon ang nasasayang dahil sa hindi wastong paggastos ng mga departamento ng pamahalaan.

Yan ang dapat asikasuhin, hindi ang pagpapahirap sa mga manggagawang pilipino.

Ang lahat ng iyan, at higit pa, ang gagawin natin sa unang taon ng aking administrasyon.

Sa mga nagsasabing hindi kayang gawin, sa mga nagsasabing hindi pwedeng mangyari ang lahat ng sinabi ko, ang sagot natin:

Kung kayo ang mauupo sa pwesto, talagang hindi mangyayari ang tunay na pagbabago. Talagang hindi giginhawa ang buhay ng masang pilipino.

Ngunit kung ang inyong lingkod ang bibigyan ninyo ng pagkakataon, ang lahat ng sinabi ko, magkaka-totoo. Ang hangad ninyo na trabaho, maayos na serbisyo, at pamahalaang kumakalinga sa inyo, magkaka-totoo sa administrasyon ni Jojo Binay.

Mga kababayan, mga kapwa pilipino,

Sa dami ng problemang iiwanan ng kasalukuyang administrasyon,

Kailangan natin ng isang pangulo na handang gawin ang dapat gawin upang mai-ahon sa kahirapan ang nakararami nating mga kababayan.

Kailangan natin ng isang pangulo na gagawin ang lahat upang mai-angat ang antas ng kabuhayan ng nakararami.

Kailangan natin ng isang pangulo na tapat at tunay na maglilingkod sa masang Pilipino.

Kailangan natin ng isang pangulo na hindi umiiwas, hindi nananahimik, hindi naninisi at hindi nalilito sa panahon ng krisis.

Kailangan natin ng isang pangulo na tunay na kumakalinga sa mahihirap.

Ang ganyang uri ng pagka-pangulo ay hindi napag-aaralan. Hindi yan nakukuha sa mga aklat na binabasa.

Yan ay isang pamumuno na nahuhugot mula sa karanasan at naka-ukit sa puso.

Ang tinutukoy ko ay paglilingkod na hindi nakukuha sa salita. Napakadaling mangako, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Ngunit ang mas mahalaga, ang nagawa na at ang gagawin pa para sa bansa at para sa sambayanan.

Mga kababayan, mga kapwa pilipino, mga nagmamahal sa ating bansa, mga hindi nang-iiwan sa gitna ng laban;

Kayo ang tunay na magpapasya. Kayo ang tunay na magtatakda.

Kayo ang may kakayanang magtimon ng kinabukasan ng ating bansa.

Sa loob ng maraming taon, lalong lalo na sa nakalipas na mag-aanim na taon, sa inyo ako kumuha ng lakas upang harapin ang lahat ng batikos, panglalait, panghahamak at paninira.

Masakit ang mga binitawang salita at paratang laban sa akin at sa aking pamilya. Ngunit mas masakit para sa akin ang makita ang mga kababayan nating naghihirap at nagugutom sa gitna ng kasaganahan at maling pamamahala. Ang ganyang kalakaran ay hindi na dapat magpatuloy.

Kapag ako ang inihalal  ninyong pangulo ng pilipinas, sa inyo ako patuloy na kukuha ng lakas upang harapin ang anumang hamon.

Sa inyo ako kukuha ng lakas upang itaguyod ang isang pamahalaan na tunay na naglilingkod sa masang Pilipino.

Sa inyo ako kukuha ng lakas upang matupad ang ating mga pangarap – para sa ating mga anak, sa ating mga pamilya at sa ating mahal na bansang Pilipinas.

Namnamin natin ang gabing ito, mga kababayan.

Ito ang bisperas ng ating paglaya sa kahirapan, sa kawalan ng trabaho, sa kulang-kulang at makupad na serbisyo, sa kapalpakan, sa manhid na pamamahala at sa walang katuturang paninira, pagmamalinis at pulitika ng paghihiganti at hidwaan.

Tandaan natin na sa gabing ito ang simula ng pagbubuo ng pambansang pagkakaisa.

Susi ito ng ating mabilis na pag-unlad at matibay na tiwala at kumpiyansa  sa ating pagka-Pilipino.

Mahalin natin ang ating kapwa lalo na yaong maliliit, may kapansanan, inaapi at mahihirap. Tungkulin natin ito hindi lamang bilang mabuting pilipino kundi bilang mga kristiyanong gumagalang at sumusunod  sa dakilang aral at  utos ng Diyos.

Bukas, sisimulan nating itatag ang pamahalaang magpapaunlad sa ating bayan;

Ang pamahalaang magpabubuklod-buklod sa ating mamamayan;  ang pamahalaang may malasakit sa mahihirap; ang pamahalaang may kakayahan at layuning maghatid ng ginhawa sa bawat pamilyang Pilipino.

Magsama-sama tayo sa ating panalangin sa poong maykapal para maiangat natin ang buhay ng bawat Pilipino.

Maraming salamat sa inyong lahat, pagpalain nawa tayo  ng poong maykapal.

Read more...