PRIVILEGE SPEECH
SENATOR JINGGOY ESTRADA
11 June 2014 ● Senate of the Philippines
Ginoong Pangulo,
Mga kasamahan ko dito sa Senado,
Mga kababayan,
Magandang hapon.
Ako po ay muling tumatayo sa inyong harapan bilang isang lingkod bayan at isang mamamayan na may ipinaglalaban.
Ginoong Pangulo, hindi lingid sa inyong kaalaman na halos buong buhay ko ay ini-alay at hinandog ko na sa paglilingkod sa bayan. Dahil dito matagal ko na pong tinanggap sa aking sarili na ang mundong aking ginagalawan sa larangan ng pulitika ay binubuo ng mga sumasang-ayon at ng mga sumasalungat sa aking paninindigan. Ito rin ay isang mundong pinamamahayan ng mga kawaay at kakampi.
Matatag at malakas ang aking paninindigan na ako ay walang kasalanan sa lahat ng mga bintang at paratang laban sa akin. Wala po sa aming angkan ang tahasang hindi pagsunod sa mga batas, sa mga alituntuning itinatadhana ng ating Saligang Batas at sa sistema ng katarungan. Matatandaan natin marahil na kahit walang aasahang pantay na hustisya ang kinaharap noon ng aking ama, hinarap niya ang proseso ng buong tapang ang impeachment na hindi tinapos sa korte kundi sa lansangan. Hindi rin umalis sa bansa ang aking ama kahit pa maka ilang ulit siyang inalok na umalis kapalit ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin.
Sa halimbawang ito, Ginoong Pangulo, malakas at matibay ang aking loob na magsabi na ako ay hindi rin tatakas sa mga akusasyon laban sa akin. Maluwag kong tinatanggap ang mga paratang sa akin sa paniniwalang ang tunay na katarungan at katotohanan ang sa huli ay siyang mananaig. Patunay dito ang maka-ilang ulit ko na ding binitiwan na pahayag na hindi po ako natatakot na makulong. Hindi na nila ako kailangan pang hanapin at kaladkarin kung sakaling kami ay dapat ng arestuhin dahil ako na mismo ang kusang susuko sa kinauukulan sa sandaling maglabas ng utos ang korte na ako ay dakpin.
At sa puntong ito, Ginoong Pangulo, kung saan mukhang handang-handa na ang may kapangyarihan na arestuhin at dalhin kami sa kulungan para sa kasong walang piyansa, marami ang nagsasabi na maaaring wala na ring saysay na magsalita pa ako o mag-protesta sa naging kalakaran ng imbestigasyon sa amin hindi lamang ng Department of Justice at ng Ombudsman, kundi pati na rin ng Blue Ribbon Committee at ang naging pagtrato sa amin ng ilang kagawad ng mass media.
Wala mang saysay para sa iilan, patuloy akong maninindigan dahil katulad ng paulit-ulit kong sinasabi, ako ay walang kasalanan.
Selective Prosecution
Noong una pa man akong nagsalita dito sa Senado patungkol sa usapin ng PDAF, mariin ko ng inihayag ang tila pagkakaroon ng selektibong pag akusa laban sa akin at sa aking mga kasamahan.
Una, naging selektibo ang ilang mass media sa pagpapahayag ng anomalya patungkol sa PDAF. Hindi ba’t nang unang lumabas noong Hulyo ng nakaraang taon ang balita patungkol dito, ang nagsusumigaw na headline ay – “NBI probes P10B scam!” “28 Solons linked to scam!” Ngunit ang walang patumanggang ibinandera na mga larawan ay ang kay Enrile, Revilla at Estrada lamang.
Mabilis at madaling napukaw ang atensiyon ng publiko sa usapin ng anomalya sa PDAF dahil na din sa mga pangalan ng mga sinasabing sangkot dito – Juan Ponce Enrile, beteranong pulitiko, dating Pangulo ng Senado at isa sa matatag na haligi ng oposisyon. Ramon “Bong” Revilla, Jr., beterano ding masasabi sa pulitika, kilalang batikang actor at matunog na tatakbo sa Pagka-Pangulo ng Pilipinas sa darating na 2016 elections. At ang inyong abang lingkod, Jinggoy Estrada, ang anak ng masa, at pinuno ng partidong politikal na kabilang sa oposisyon.
May iba pang pangalan na sinasabing sangkot sa anomalya, 28 solons nga ang sabi sa paunang balita hindi ba? Ngunit bukod sa pangalan ni Enrile, Revilla at Estrada may nakaka-alala pa ba kung sino pa ang sinasabing iba pang sangkot sa anomalya? Wala. Hindi na sila nabigyan ng pansin sapagkat ang pangalan ni Enrile, Revilla at Estrada na lamang ang kanilang bukang-bibig at parating sinasambit. Nasabi ko nga din noong una akong nag-privilege speech that “there has been a serialized and obvious concerted effort in the media to demonize me along with other members of this chamber allegedly involved. Ako, si Senator Enrile at Revilla ang tila ba inuulam mula almusal, tanghalian, merienda at hapunan.” And this still holds very true to this day!
Ginoong Pangulo, mas napagtibay ang aking sinasabing “selective media reporting” ng lumabas kamakailan ang patungkol sa hard drive ni Benhur Luy. Abril pa pala ng nakaraang taon ay hawak na ng isang pahayagan (Inquirer) ang kopya ng hard drive ni Luy na naglalaman ng daan-daang pangalan na sangkot diumano sa PDAF scam kasama na ang ilang kaalyado ng administrasyon kabilang pa dito ang sinasabing “mentor” ni Gng. Napoles na si Butch Abad.
Abril pa noong nakaraang taon ay may mahabang listahan na ng mga pangalan ngunit piniling isulat lamang ay si Enrile, Revilla at Estrada? Nakaka-panghinala.
Pangalawa, ang pagkakaroon ng selektibong imbestigasyon ng COA, ng Senate Blue Ribbon at ng DOJ.
Isang buwan (o noong ika-16 ng Agosto 2013) pagkatapos lumabas sa mga pahayagan ang tinaguriang PDAF scam, naglabas si COA Chairman Grace Pulido-Tan ng sinabi niyang kahindik-hindik na Special Audit Report. And like a well-rehearsed script, tatlong pangalan din ang namutawi sa bibig ni Chairman Pulido-Tan – ito ay si Enrile, Revilla at Estrada – kahit pa daan-daan na mambabatas ang nakalista sa kanyang PDAF Special Audit Report na nag endorso din ng kanilang PDAF sa mga NGOs. Kung susumahin, P14.3 billion pesos ang PDAF na na-release sa mga taong 2007, 2008, 2009 sa tatlong daan tatlongput-apat (334) na mambabatas ayon sa COA report. In-indorso naman ang mga proyekyong pinondohan ng PDAF sa walongput-dalawang (82) NGOs.
Ngunit bakit kami lamang ang naalala ni Chairman Pulido-Tan? Bakit ang mahilig sa hamburger na si Deputy Speaker Boyet Gonzales ay hindi man lang niya naaalala kahit pa ng naki-pag meeting si Chairman Pulido-Tan kay Deputy Speaker Gonzales bago pa niya nilabas ang audit report. Sinabihan at binalaan pa nga niya si Deputy Speaker Gonzales na malaki ang magiging problema nito dahil ang kanyang PDAF ay ang opisina niya mismo, opisina mismo ni Deputy Speaker Gonzales ang nag patupad.
Ginoong Pangulo, naimbestigahan po ba si Deputy Speaker Gonzales? Hindi. May kaso po bang sinampa laban sa kanya? Wala. Nakakapagtaka, hindi po ba?
Di kalaunan, lumakas ang panawagan na imbestigahan din ng Senado ang anomalya sa PDAF kahit pa ilan sa hanay ng kapulungan ang sinasabing sangkot dito. Kaya noong ika-29 ng Agosto sinagot ng Senado ang panawagan at inumpisahan itong imbestigahan. Nag-inhibit ako sa pagdinig upang di masabi na ginagamit ko ang aking posisyon para ma impluwensiyahan ang pagdinig.
It is a fact that I have always actively participated whenever issues of national importance and significance are being investigated by the Blue Ribbon or by any Senate Committee for that matter. And during such participation, modesty aside, I pride myself of being fair, reasonable and considerate. For the PDAF investigation, I expected the same demeanor from my colleagues. Hindi ko naman hiningi na ako ay kanilang ipagtanggol o ako ay kanilang pagtakpan. Ang tangi kong inasam ay maging patas sila sa kanilang pag imbestisga at hind maging mapang-husga.
Hindi po ito nangyari.
Imbes na tumulong sa pagsiwalat ng buong katotohanan, tumulong pa sila upang maging mas malalim ang hukay at malibing ng tuluyan ang katotohanan. At ang pinakamasakit, hindi sila naging patas. Naging selektibo ang imbestigasyon. Itinuon lang nila ang imbestigasyon kay Enrile, Revilla at Estrada gayong napakaraming mambabatas ang sinasabing maaaring sangkot. Itinuon lamang nila sa sinasabing Napoles NGOs ang pagdinig upang lalo kaming mabaon at madikdik. Pinakamasahol dito, mas pinanigan at pinaniwalaan nila ang mga kasinungalingan at kwentong kutsero ng iilan.
“Three-point, buzzer-beater, winning shot!” Hindi ba’t ganyan hinalintulad ng Chairman ng Blue Ribbon Committee ang salaysay ni Ruby Tuason? Hindi pa tapos ang imbestigasyon, buo na sa isip ng Chairman ng Blue Ribbon na kami ang may kasalanan. “Tanda, Sexy at Pogi!” Iyan naman ang paulit ulit na sinambit at pinasasambit ng ibang miyembro ng Blue Ribbon na para bang tuwang-tuwa na nangungutya.
Patas po ba yan?
Dalawang buwan lamang ang lumipas simula ng lumabas sa pahayagan ang tinaguriang PDAF scam (o noong ika-16 ng Setyembre), nagsampa na ng kaso sa Ombudsman ang DOJ at NBI. Trak-trak daw ang ebidensiya sabi ni Secretary Leila de Lima. Kaya naman si Juan dela Cruz ay madaling napaniwala na guilty nga ang tatlong sangkot na Senador. Trak trak nga naman di ba?
Ngunit lumakas ang mga bulong at naging matunog ang tanong – bakit sila lang? Ang sagot ni Secretary Leila de Lima – “We are still investigating. We are still verifying. We are still evaluating.” Ano daw? Si Enrile, Revilla at Estrada ay inembestigahan ng wala pang dalawang buwan pero kapag kakampi o kaalyado, mabilisang kini-clear ang pangalan at hindi na iniimbestigahan.
Hindi pa doon nagtapos ang “injustice” ng ating Secretary of Justice. Matatandaan na pagkatapos niyang magsampa ng kaso laban sa amin, agaran niyang hiniling sa Department of Foreign Affairs na ikansela ang aming mga pasaporte. Ito ay lantarang paglabag sa aming mga karapatang pantao na nakasaad sa Saligang Batas. Karapatan na nagsasabi na kami ay malayang makaka-alis o makaka-galaw kung aming nanaisin sapagkat wala pa namang korte o huwes na nagsasabi na ito ay hindi na maaari pang gawin. At karapatan na nagsasabi na huwag muna kaming husgahan dahil hindi pa naman napapatunayan ang sala na sa amin ay binibintang.
Makatarungan po ba iyan?
At ang pangatlong pagkakataong nagkaroon ng selektibong prosekusyon laban sa amin ay ang lantarang paglabag ng Ombudsman sa aming sagradong karapatan na dumaan at harapin ang kaso laban sa amin sa ilalim ng tama at angkop na proseso o “due process”.
Hindi na po ako nag-asam na makakakuha ng hustisya kay Secretary de Lima ngunit umasa ako na magiging patas ang Ombudsman. Sinabi ko nga sa aking sarili na sana baka doon ay may laban pa ako.
Ang mga unang pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales patungkol sa kaso ay nagbigay ng munting pag-asa sa akin. Sinabi niyang masusi nilang titinggnan ang mga ebidensiya laban sa amin. Nagbigay pa nga siya ng isang taon para aralin ang mga ito considering the voluminous roomful of evidence. Trak-trak nga sabi ni Secretary de Lima.
Ngunit ang kakaunting ningas ng pag-asa na aking nadama ay mabilisang nawala dahil na din sa mga gawi at mga pahayag ni Ombudsman na nagpakita ng pagkiling laban sa amin.
Nang bumalik si Gng. Ruby Tuason sa Pilipinas upang tumestigo laban sa amin, agaran siyang dinala sa tanggapan ng Ombudsman upang panunmpaan ang kanyang mga salaysay na tinawag ni Secretary de Lima na “slamdunk evidence” Ayan ang larawan at kitang-kita naman ang kagalakan ni Ombudsman. At marahil dahil sa kanyang nadamang galak, ng makita niya ang abogado ni Mrs. Tuason na si Atty. Dennis Manalo, nasambit ni Ombudsman ang mga katagang ito – “now we are on the same side” after she pointed out Atty. Manalo’s being one of the defense lawyer in the impeachment trial. Magkakampi na sila agad-agad? Hindi ba dapat walang kinikilingan si Ombudsman? This seemingly innocent statement is very much contrary to the Ombudsman’s avowed observance of impartiality and fair play.
Nang hingan naman si Ombudsman ng pahayag kung anong advice ang maaari niyang ibigay sa mga sangkot sa kaso ng PDAF, ganito ang kanyang sinabi – [“Whoever are those involved in the PDAF controversy, they should start coming up with their defense because we will surely file a case if we find that probable cause exists. They should start coming up with their defense now. They should engage good lawyers if they want to be safe, to have a safe and sound sleep.”]
How can this strongly worded advice inspire belief that the Ombudsman could be impartial in the conduct of its investigation? Your guess is as good as mine.
At bago pa man niya maaral at maresolba ang aming motion for reconsideration, ganito na ang naging matapang at mayabang na pahayag ni Ombudsman ng siya ay nasa abroad at tanungin kung may sapat na ebidensiya para kami ay ma convict, ganito naman ang kanyang sinabi – [“That’s supposed to be confidential. But, given the fact that the Ombudsman has already come up with a resolution that there’s probable cause, we believe that the crimes were committed, that the respondents are probably guilty. We have enough evidence.”]
This statement definitely exposed the prejudice and biased manner by which the Ombudsman presided over the case.
At ngayon, gusto naman ni Ombudsman na magtalaga ang Korte Suprema ng dalawang Special Divisions sa Sandiganbayan para diumano’y tumutok sa kasong aming kinakaharap. I believe that what is being bruited about as the rationale for this request is speedy trial, a very, very lame excuse for such an obvious attempt to hand-pick the men and women who are disposed to convict us. I am very sure that what the Ombudsman really wants is not speedy trial but a “speedy CONVICTING COURT.”
Matapos hubugin at paniwalain ang mga mamamayan na kami ay may sala, wala ng nagulat pa ng halos sabay na maglabas ng report at resolusyon ang Blue Ribbon at ang tanggapan ng Ombudsman. Ako ay napa-iling na lamang sa tinaguriang “well-orchestrated April fool’s day extravaganza.” The Blue Ribbon Committee Chairman released its draft, partial and unsigned PDAF investigation report noon of April 1 kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon at kahit hindi pa nababasa ng ibang miyembro ng Blue Ribbon ang nakasaad sa nasabing report, inilabas na ito ni Senator Guingona sa media. Ilang minuto lamang ang lumipas sinundan naman ito ng presscon ng Ombudsman upang ilabas ang resolusyon na nagsasabing may “probable cause to indict” Senators Enrile, Revilla and Estrada for plunder.
Ginoong Pangulo, wala sana akong reklamo sa mabilis na pag resolba ng Ombudsman sa aming kaso ngunit ng mabasa ko ang resolusyon lumalabas na may mga ebidensiyang ginamit laban sa akin na hindi ako binigyan ng pagkakataon na komprontahin o sagutin. Ito ay isang malinaw na paglabag sa aking sagradong karapatan na dumaan at harapin ang kaso sa ilalim ng tama at angkop na proseso. My constitutional right to due process has been blatantly trampled upon by the Ombudsman no less! While the Ombudsman undoubtedly has the plenary and unqualified authority to investigate and prosecute, this power is not unbridled. Thus, it should not be used to violate one’s constitutional right to due process.
Iniimbestigahan pa lamang ng Ombudsman ang kaso laban sa akin, ako ay humiling na bigyan ng mga kopya ng mga ebidensiya lalong lalo na ang mga dokumentong isinumite ng iba pang sangkot sa kaso na maaaring magamit laban sa akin. Hindi ako pinaunlakan ng Ombudsman. In an Order dated 27 March 2014, the Ombudsman denied my request to be furnished with copies of counter-affidavits of the other respondents, affidavits of new witnesses and other filings for lack of cogent basis. I would have accepted this had the Ombudsman not used these very same documents I requested and which they refused to give, against me.
Hindi lamang mali ang ginawa ng Ombudsman. Ito po ay labag sa Saligang Batas! Kaya naman ang tanging lunas ay ang umakyat at humingi ng tulong sa Kataas-taasang Hukuman. Mukhang natauhan si Ombudsman Morales sa aking naging hakbang dahil kinabukasan din pagkatapos kong mag-hain ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman, nag-atubiling magbigay si Ombudsman ng mga hiniling kong ebidensiya na ginamit niya laban sa akin. Pero hindi maaaring sabihing nalunasan na ang kanyang pagkakamali sa pagbigay lamang sa akin ng mga nasabing ebidensiya dahil may resolusyon ng nilabas ang Ombudsman at ginamit na ang mga ebidensiyang iyon laban sa akin. Nasa Korte Suprema na ang isyung ito at malaki ang aking pag-asa na ako ang kakatigan dito.
Tulad ng inaasahan, at ilang araw lamang matapos ang mga pahayag ni Ombudsman sa New York na malakas ang ebidensiya laban sa amin, binasura ng Ombudsman ang aming mga mosyon at nagsampa na ng Information for Plunder sa Sandiganbayan.
Nakakalungkot, nakakagulat at nakakapang-hinala. Paano kaya nasabi ni Ombudsman na may Plunder gayong ang isang mahalagang elemento nito ay wala – ang pagkamal ng mahigit P50 million pesos. Wala po akong ninakaw na 50 million o ni isang kusing sa kaban ng bayan. Ayon sa mga pahayag ni Mrs. Ruby Tuason hindi niya alam kung magkano diumano ang tinatanggap niya mula kay Mrs. Napoles at binibigay sa akin. Hindi ba’t kahit anong pilit at paulit-ulit siyang tanungin sa pagdinig sa Senado sinabi niyang hindi niya alam o hindi niya maalala o wala siyang maisagot sa mga tanong. Hindi niya alam o wala siyang matandaan at wala siyang maisagot dahil WALA PO SIYANG DINELIVER sa akin!
Ang ledger naman ni Luy kung saan nakatala diumano ang mga komisyon na aking natanggap mula kay Gng. Tuason, kung ito ay susumahin ay hindi aabot sa P50 million. Ang iba naming nakatala sa ledger ay hearsay sapagkat wala namang personal na kaalaman si Benhur Luy dito. Tinala nya ang mga ito dahil inutos o sinabi daw ito ni Gng. Napoles.
Halatang-halata na pinilit upang magkaroon ng kasong plunder.
Nabanggit ko na rin lang naman ang pagtestigo ni Gng. Tuason sa pagdinig sa Senado, matatandaan na sinabi niyang minsan siyang nag deliver ng pera sa aking opisina. Mariin ko itong pinabulaanan. Bilang patunay ng aking sinabi na hindi pera kundi pagkain, madalas pa nga ay sandwich ang dala ni Gng. Tuason, narito ang isang larawan na hango sa CCTv footage report ng Senate security. At sa dalawang report na sinumite ng Senate security patungkol dito, wala ni isang pagkakataon na nakita si Gng. Tuason na may dalang duffle bag katulad ng kanyang sinabi.
Wala na pong nagaganap patungkol sa aking kasong kinakaharap, lalo na sa mga nakaraang araw, ang aking ikinagugulat pa. Katulad nga na lagi kong sinasabi, sa simula’t simula pa lamang ng usapin patungkol sa anomalya sa PDAF, kami ay hinusgahan na sa mga paratang na sa aking hinagap ay di ko kayang gawin. Bigo man kaming makuha ang patas na hustisya sa Senado, sa DOJ at sa Ombudsman, malakas ang aking paninindigan na kami ay kakatigan ng patas ng Kataas-taasang Hukuman at ng Sandiganbayan.
Marahil sa pagbubukas ng panibagong sesyon ng Mataas na Kapulungang ito sa darating na Hulyo, hindi niyo muna ako makikita dito. Sa bibihira at limitadong pagkakataon, a-absent po ako sa Senado. Pero sandali lang po ito at babalik din ako. Kaya naman may nais pa akong panandaliang ipahayag. Maikli na lamang po ito kaya humihingi lang ako sa inyo ng kaunti pang panahon at pagkakataon.
Sa aking pamilya, pauna na sa aking mga magulang, lalong-lalo na sa aking nag-aalalang ama – “Dad, huwag kang mag-alala, kaya ko ito.” Sa panahong ito na hindi na kayo bumabata, naghahabol na akong makasama kayo. Ngunit gustuhin ko mang gugulin ang aking panahon para naman hindi ko pagsisihan at panghinayangan sa huli ang mga dapat ginagawa ko habang kayo ay kasama ko, panandalian ko pong hindi matutupad ito. Pero babawi po ako.
Sa aking mga kapatid – si Jacquiline at Jude – salamat sa walang patlang na suporta, tiwala at sa inyong hindi pag-iwan sa akin sa gitna ng laban.
Sa aking nag iisang may-bahay – Si Precy – patawad sa mga pasakit na iyong dinaranas dahil sa mga pagsubok na ating patuloy na kinakaharap. Nawa’y manatili kang matatag lalong-lalo na para sa ating mga anak. At sa nalalapit nating pag-gunita ng ika-dalawampu’t-limang (25) taon ng ating pag iisang dibdib, nais ko sanang iharap kang muli sa dambana. Ngunit dahil hindi umaayon ang pagkakataon, gagawin ko pa din na ikaw ay pakasalan kahit ako ay nasa piitan.
Sa aking apat na anak – Janella, Jolo, Julian at Jill – lagi ninyong tatandaan ang mga pangaral ko sa inyo — magkaroon ng takot sa Diyos, manatiling magalang at mapag-pakumbaba, at huwag kayong mahiya bagkus ipagmalaki na kayo ay isang ESTRADA.
Ginoong Pangulo, minsan nang nagyari ito sa akin, pero napatunayang wala akong kasalanan. At sa pagkakataong ito ay papatunayan kong muli na walang basihan ang mga bintang na ipina-aako sa akin. Magtagumpay man silang maipakulong ako, masunod man ang kanilang gusto na mawala ako sa kanilang dinaraanan, pero ang aking prinsipyo at paninindigan, kailanman ay hindi nila makukuha sa akin.
Hindi pa tapos ang laban. Nagsisimula pa lamang. Hindi ko po pababayaang wasakin ng mga paghuhusgang ibinabato sa akin ngayon ang malaking respeto at tiwala na ipinagkaloob ninyo sa akin ng maraming ulit na. Patutunayan kop o sa inyo na hindi ako nagkulang at lalong hindi nagmalabis sa posisyon na kayo mismo ang pumili para sa akin.
Sa mga taong hindi Masaya sa pagtupad ko sa aking tungkulin bilang mambabatas, hindi kayo ang magiging dahilan ng aking pagsuko. Tutuparin ko pa rin ang aking pangako sa ating mga kababayan na sila ang palaging una sa aking paglilingkod, may rehas mang nakaharang o wala.
Milyung-milyong Pilipino ang nagbigay sa akin ng tiwala kaya ako ay nasa Senado. Hindi ako pinili at niluklok lamang ng iilan. Ang malaking bilang ng aking mga kababayan ang patuloy kong magiging inspirasyon sa pakikipaglaban hanggang sa dumating ang panahon na malinis kong muli ang aking pangalan na pinutikan ng mga taong mas unang dapat manalamin upang makita ang mga dungis sa kanilang mukha.
Bilang panghuli, Ginoong Pangulo, nais kong ipakadiin – HINDI AKO MAGNANAKAW. Alam ko kung ano ang nararapat para sa akin at kung ano ang halagang dapat pakinabangan ng ating mga kababayan.
Pansamantala kong babakantehin ang aking upuan nang nakataas ang noo. Buo ang loob at buo ang integridad, prinsipyo at pangalan dahil wala akong salaping pinaki-alaman sa kaban n gating mahal na bayan.
Lalaban ako sa legal na proseso. Hindi ko ito uupuan lang. Yayakapin ko ang hustisya hindi lang para sa akin kundi para sa aking pamilya at higit sa lahat para sa ating mga kababayan na umaasa at naniniwala pa din na ang bansang ito ay mapagkakatiwalaan at maipagmamalaki.
Marami pong salamat sa inyong pakikinig at pagpapa-unlak.