VICE PRESIDENT JEJOMAR BINAY’S “TRUE STATE OF THE NATION ADDRESS”
In reaction to President Benigno Aquino III’s last SONA
August 1, 2015 | Cavite State University
Mga kababayan:
Matiyaga tayong nakinig ng mahigit dalawang oras sa SONA ni Pangulong Aquino noong isang linggo.
Umasa tayo na dahil ito na ang huling SONA, magbibigay siya ng tapat na pag-uulat sa kalagayan ng bansa. Umasa tayo na maglalahad ng mga hakbangin para mabigyang ginhawa ang nakararami.
Ngunit ang narinig natin ay ulat na punong-puno ng kwento, pagbubuhat ng sariling bangko at – tulad ng mga naunang SONA – paninisi.
Napakadaling mamulot ng numero, mga numerong sa unang tingin ay makislap at kagiliw-giliw. Ngunit hindi kayang pagtakpan ang umaalingasaw na katotohan na pilit itinatago at ipinagkakaila: pagkaraan ng limang taon, marami pa rin ang naghihirap, nagugutom at walang trabaho.
Pagkaraan ng limang taon, ang isinukli sa pagsisikap ng mamamayang Pilipino ay manhid at palpak na pamamahala.
Kung inyong natatandaan, buwan ng Agosto noong 2010 nang mangyari ang trahedya sa Luneta. Mistulang hinayaan na lamang mapatay ang walong inosenteng turista na ginawang hostage. Collateral damage o hindi sinasadya daw.
Ito ay masamang pangitain: umpisa pa lamang ng administrasyon, manhid at palpak na.
Sa Tacloban, sa gitna ng malawak na pinsala ng Super Bagyong Yolanda, habang nagkalat ang mga patay, nagugutom, nauuhaw, lumuluha at nagmamakaawa ng dagliang tulong, ang sagot ng administrasyon: buhay pa naman kayo, hindi ba?
At sa halip na tugunan ang hinaing ng local government, pilit pang pinapirma ng secretary ng DILG ang mayor ng lungsod sa isang pormal na kasulatan. Kailangan daw ito bago tumulong ang national government. Aquino daw kasi ang presidente at ang mayor ay isang Romualdez.
Nang ayaw pumayag ang mayor, ang sagot ng DILG secretary: bahala kayo sa buhay ninyo.
Dalawampung buwan matapos ang Yolanda, nagsisiksikan pa rin ang mahigit na 100,000 katao sa tent cities at bunkhouses. Marami ang nagkakasakit. Nakaligtas ang ilan sa bagyo pero namatay naman sa masamang kalagayan sa evacuation centers.
Nagkaroon nga ng isang daan at animnapu’t pitong bilyong piso na Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan. Pero ang tanong ng budget watchdog: saan napunta ang pera at donasyon ng iba’t ibang bansa sa buong mundo. Tinangay na rin ba ng bagyo?
At mismong ang United Nations, kamakailan lamang, ang nagbigay ng kanilang kongklusyon: kulang na kulang ang ginagawa ng pamahalaan para makapag-bagong buhay ang mga nasalanta ng Yolanda.
Matapos maging biktima ng bagyo, ninakawan pa sila ng kanilang dignidad.
Ang sagot ng pamahalaan: buhay pa naman kayo, hindi ba?
Sa Zamboanga, daan-daan ang namatay, libu-libong bahay ang nasunog. Ngunit mas malaking trahedya ang sinapit ng ating mga kababayan sa mga evacuation centers na pinamahalaan ng national government. Mas masaklap pa rito ang ulat ng mga kababaihan at kabataan na naging biktima ng panggagahasa at napunta sa prostitusyon.
Ang sagot ng pamahalaan: buhay pa naman kayo, hindi ba?
Sa Mamasapano, apatnapu’t apat ang nagbuwis ng buhay at marami ang sugatan.
Ngunit kahit pahapyaw, hindi nabanggit ang kanilang kabayanihan sa SONA. Kahit T.Y. ay wala.
Buti pa ang hair stylist at fashion designer, kasama sa mahabang listahan ng pinasalamatan.
Luneta, Tacloban, Zamboanga, Mamasapano. Apat na lugar kung saan nasagip sana ang maraming buhay, kung ang pamahalaan lamang ay hindi manhid.
Mga kababayan, kung apat na lugar ang sumasalamin sa manhid na pamamahala, tatlong acronyms naman ang sumasagisag sa palpak na administrasyon: MRT, BBL at DAP.
Sa libo-libong sumasakay sa MRT, araw-araw ay parusa. Noong 2010, dalawampung (20) tren at anim napung bagon (60) ang tumakbo. Pagkatapos ng limang taon, pitong (7) tren at dalawampu’t isang bagon na lamang ang natira. Uulitin ko, mula sa dalawampung tren at animnapung bagon, ngayon, pitong tren at dalawamput isang bagon na lamang.
Napakahabang pila, sirang escalators at mabahong kubeta, kakaunti at siksikang bagon. Tuwing sasakay ang mga pasahero, ang taimtim nilang dasal: sana huwag magka-aberya, sana makauwi kami ng buhay.
Apat at kalahating bilyong piso (P4.5B) ang inilaan para pambili ng bagong tren. Ngunit apat na taon na mula nang nilabas ang pondo, wala pa rin.
May budget na mahigit limang bilyong piso ang DOTC para sa overhaul ng MRT-3 noong 2014 pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito nagagawa.
At sa kabila ng masamang serbisyo, nakuha pa ng MRT na magtaas ng pamasahe.
Mga kababayan, limang taon nang kontrolado ng gobyerno ang MRT pero kung sinu-sino pa rin ang sinisisi sa sariling kapalpakan.
Bakit naging palpak ang serbisyo? Ito ay dahil pinalitan ang maintenance provider.
At ang ipinalit sa kumpanyang Sumitomo na bantog sa buong mundo na may malawak na track record, ay ang bagito at walang karanasan na PH Trams Company.
At sino ang nasa likod ng PH Trams? Mga kaalyado at kapartido ng dati at kasalukuyang secretary ng DOTC.
Ang sigaw ng mga pasahero, lagi kaming late sa trabaho. Ang sagot ng MRT, eto ang excuse letter.
Ang daing ng pasahero, ayusin ang serbisyo. Ang sagot ng Palasyo: kung ayaw ninyo sa MRT, eh di mag-bus kayo.
Lumipas pa ang mahabang panahon bago may inihabla ng korapsyon. Pero ang tanong ng dating MRT general manager, bakit ako lang? Ang tanong din ng taumbayan: Oo nga naman. Bakit siya lang?
Palpak na serbisyo na, pinagkakitaan pa.
Totoo ngang sa daang matuwid, magkapatid ang kapalpakan at pagnanakaw ng kapartido at kaalyado.
Bumaling naman tayo sa BBL.
Para sa administrasyon, kaaway ng kapayapaan ang mga tutol o kaya ay nagsasabing hinay-hinay lamang sa BBL.
Walang prangkisa ang administrasyon sa paghahangad ng kapayapaan. Lahat tayo ay matagal nang naghahangad ng payapa, matiwasay at maunlad na Mindanao.
Ngunit may ilang kondisyon para tiyak na magtatagumpay at magtatagal ang anumang kasunduan para sa kapayapaan.
Una, dapat ito ay naaayon sa Saligang Batas.
Pangalawa, dapat kalahok ang iba’t-ibang grupo, sektor at mga kinikilalang kinatawan.
Pangatlo, hindi dapat ipilit ang pagsasabatas ng BBL. Hindi dapat brasuhin ng Palasyo ang Kongreso. Dapat ay igalang ang Kongreso bilang co-equal branch ng gobyerno. Hindi dapat takutin, pilitin o suhulan ang kongreso para gawin ang gusto ng Palasyo.
Ang ating Saligang Batas ang pundasyon ng ating demokrasya. Dapat umayon dito ang anumang batas, at kasama dito ang panukalang BBL.
Isipin na lang natin ang maaring mangyari sakaling ang bersyon ng BBL na gustong ipasa ng administrasyon ay ibasura ng Korte Suprema.
Hindi ba’t yan ang maaaring magdulot ng gulo at maging hadlang sa matagal nang inaasam na kapayapaan sa Mindanao?
Pag-usapan naman natin ang Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sabi ng administrasyon, ang DAP ay para raw sa pagsulong ng ekonomiya na syang makabubuti sa masang Pilipino.
Ngunit sa isangdaan at labing anim na proyektong pinondohan ng mahigit na isang daan at labing apat na bilyong piso, iilan lang ba rito ang para sa ekonomiya?
Ayon sa mga ekspertong sumuri sa DAP, sa bawat pisong ginastos ng DAP, isang sentimo lamang ang para sa mahihirap. Uulitin ko, isang sentimo lamang sa bawat piso ang para sa mahihirap.
Malinaw na ang DAP ang pinakamatingkad na halimbawa ng pagwawaldas sa pondo ng bayan sa ating kasaysayan. Ito rin ay isang lantarang paglabag at pagsuway sa ating Saligang Batas.
Saan kinuha ang pondo para sa DAP? Ito ay inagaw sa pondo na nakalaan sana sa pagpapaayos ng mga airports, pagpapaayos ng MRT, pagpapatayo ng mga eskwelahan, mga kalsada at tulay.
Kung ito ay nangyari sa nakaraang administrasyon, siguradong hihiyaw na sila na dapat usigin at ipakulong ang pasimuno.
Ngunit iba sa daang matuwid. Iba ang trato sa kalaban sa pulitika, iba naman para sa kapartido at kaalyado.
Wika nga ng paboritong blogger ng administrasyon, “I’ve got your back.” Kaya untouchable ang budget scam mastermind ng administrasyon.
Sa katunayan, lumalabas na binuhay pa nga ang iligal na PDAF at DAP sa ibang pangalan tulad ng insertions, special purpose funds at Unified Accounts Code Structure o UACS.
Mga kababayan, bumaling naman tayo sa ekonomiya.
Gaya ng naunang mga SONA ng pangulo, ipinagmalaki ang mga numerong nagpapakita na bumuti raw ang kalagayan ng ating ekonomiya: GDP, GNP, FDI, credit ratings.
Kinikilala natin na sa nakaraang limang taon, gumanda ang numerong pang-ekonomiya. Hindi natin sinasabing mali ito
Ngunit kilalanin din natin na may malaking ambag dito ang mga repormang nasimulan sa nakaraang mga administrasyon na ngayon lamang nagsisimulang magkabunga.
Ang hindi tama rito ay ikinukubli ng mga magagandang numero ang isang masakit na katotohanan.
Hindi lahat ay nakinabang sa pag-unlad. Ito ay exclusive para lang sa iilan.
At ang iilan na yan ay ang mga mayayaman na lalo pang yumaman sa nakaraang limang taon. Kasama dyan ang mga kaibigan, kaklase, at kapartido ng ating Pangulo.
Samantala, ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lungsod, mga empleyado ng gobyerno at milyun-milyong karaniwang Pilipino ay hindi nakasalo sa pag-unlad.
Sa madaling salita, lalong yumaman ang iilan, ngunit mahirap pa rin ang bayan.
Totoo na umabot ang foreign direct investments o FDI ng mahigit anim na bilyong dolyar noong 2014.
Ngunit kung ihahambing sa iba pang mga bansa sa ASEAN, ito ang pinakamababa sa buong rehiyon. Ang Singapore, animnapu at pitong bilyong dolyar; ang Indonesia, dalawamput limang bilyong dolyar; ang Thailand, mahigit labing-isang bilyong dolyar; at ang Malaysia, mahigit sampung bilyong dolyar.
At kahit na totoong record-breaking ang foreign direct investments noong 2014, hindi rin naman ito nag-resulta sa trabaho para sa nakararami.
Ang bulto ng mga FDI, o dalawampu’t isang porsiyento, ay napunta sa financial and insurance activities na kokonting trabaho lang ang naibigay.
Sa mga tinatawag na labor intensive sectors gaya ng manufacturing at mining, kakarampot na anim na porsyento lamang ang mga FDI.
Ibinida rin ang pagtaas ng credit ratings ng bansa.
Ano ba ang epekto ng pagtaas ng credit ratings? Nagkaroon lamang ng pagkakataon ang pamahalaan at ang mga lokal na kumpanya na makakuha ng mas murang financing.
Nakatulong din ito upang makaakit ng mga dayuhang investor sa Pilipinas. Ngunit ito ay hanggang interes lang. Kumbaga sa gustong manligaw, patingin-tingin lang.
Bakit? Dahil malaking balakid sa pagpasok ng FDI ang pagtutol ng administrasyon na amyendahan ang mga economic provisions ng saligang batas. Ito ang malaking balakid sa pamumuhunan ng mga dayuhang investors.
Kapag na-amyendahan ang economic provisions, mabubuksan ang mga pangunahing sektor ng ating ekonomiya. Kapag dumami ang foreign investors, dadami rin ang trabaho at pagkakataon na makapaghanap-buhay ang ating mga kababayan.
Kapag na-amyendahan ang economic provisions, mabubuksan ang public utilities na magreresulta naman sa pagpapabilis ng Public Private Partnerships o PPP, at higit na mabuting serbisyo at pasilidad para sa lahat.
Pwedeng ibida natin ang Philippine Statistics Authority’s labor force survey noong April 2015 na nasa higit anim na porsyento ang unemployment rate. Ngunit ano ang ating sasabihin sa nananatiling halos tatlong milyong Pilipino na wala pa ring trabaho?
Ipagwagayway man natin ang underemployment rate na halos labingwalong porsyento, paano natin ipapaliwanag ang pitong milyong Pilipino na may trabaho nga, ngunit naghahanap pa rin ng dagdag na trabaho dahil hindi sapat ang kanilang kinikita
Ipinagmalaki rin sa SONA ang pagbaba raw ng bilang ng mahihirap.
Ngunit ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, lima sa sampung Pilipino ngayon ang nagsasabing mahirap sila. Yan ay higit sa labing isang milyong Pilipino na nagsasabi na hanggang ngayon, limang taon sa ilalim ng daang matuwid, sila ay lugmok pa rin sa kahirapan.
Ang hindi sinasabi ng administrasyon, napakababa ng kanilang batayan ng poverty threshold. Para sa kanila, kapag may limampu’t walong piso (P58) ka ng panggastos sa isang araw, ay hindi ka na ituturing na “mahirap.”
Gayundin, pinagmalaki sa SONA na third year college pa lamang ay nire-recruit na sa trabaho.
Kaya ang tanong ng libo-libong graduates na palaging nakapila sa job fairs at kinakalyo ang mga paa sa paglalakad para makahanap ng trabaho, saan at kanino kami mag-aapply?
Kung totoo lamang ito sa karamihan ng Pilipino, hindi na sana tayo ang may pinakamaraming mahihirap at walang trabaho sa rehiyon ng ASEAN.
Ipinagmalaki rin na lumiit ang bilang ng mga OFWs nitong mga nakaraang taon. Dahil daw ito sa maraming trabahong naghihintay dito sa Pilipinas.
Ngunit nasan ang datos? Nasaan ang patunay?
Ayon mismo sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA, tumaas pa nga ang bilang ng mga Pilipinong umaalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa.
Noong 2009, bago maupo sa pwesto ang administrasyong Aquino, ang average daily deployment ay dalawang libo at limangdaan (2,500). Ngayon, ang average daily deployment ay umabot na sa anim na libo at siyamnapu’t dalawa (6,092) nitong unang bahagi ng 2015.
Hindi pa kabilang dito ang napakaraming OFWs na hindi dumaan sa regular at legal na recruitment.
At bagaman totoo na marami ang umuuwi mula sa ibang bansa, ayaw namang aminin ng administrasyon ang tunay na dahilan ng kanilang pag-uwi.
Nariyan ang patakaran ng Saudi Arabia na bigyang prayoridad ang kanilang mga kababayan kaysa mga overseas workers. Nandiyan din ang financial crisis sa Europe na dahilan ng pagsasara ng negosyo at malawakang lay-offs. Halos kasabay nito ang kaguluhan sa Gitnang Silangan at sa Africa kung saan naapektuhan ang maraming OFWs.
Mayaman ang iilan, pero ang masang Pilipino ay nagugutom, naghihirap at walang trabahong mapasukan. Iisa ang sigaw ng bayan: trabaho, trabaho, trabaho.
Yan ang tunay na kalagayan ng ating ekonomiya sa ilalim ng Tuwid na Daan
Mga kababayan, ibinida rin na sa ilalim ng Tuwid na Daan, umabot na sa higit walumput siyam na milyon ang kasapi ng Philhealth. Ngunit hindi binanggit na walang pagbabago sa kulang-kulang na serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa mga datos, animnapung porsyento ang namamatay na Pilipino na hindi man lamang natitingnan ng mga doktor. Bawat taon, limang libong (5,000) ina at pitumput libong (70,000) bata na may gulang limang taon pababa ang namamatay dahil sa sakit.
May Philhealth nga, ngunit halos kalahati o apatnapu’t limang porsyento (45%) ng mga barangay sa buong bansa ay walang health centers.
Ang daing ng bayan: serbisyo. Serbisyo. Serbisyo.
Ipinagmalaki rin ang mga dagdag na classrooms para sa mga estudyante. Ngunit nakaligtaan naman ang kapakanan ng mga guro. At ang ating state colleges and universities, gaya ng Cavite State University na nasa top 20 ng mga tinapyasan ng budget, para bang nakalimutan na sa prayoridad. Sa halip na bigyan ng sapat na pondo, lalo pa itong binawasan.
Noong 2014, humiling ang mga state colleges and universities ng limampu’t siyam na bilyong piso mula sa DBM. Ang ibinigay sa kanila: walong daan at siyam na milyong piso lamang. Nagtanong ang mga estudyante, saan kukunin ang kulang na pondo? Ang sagot ng administrasyon, mag-fund raising kayo. Ibig sabihin, bahala kayo sa buhay ninyo.
Ayon sa mga pahayagan, ang budget ng U.P. ay tinapyasan ng higit sa isang bilyong piso. Ang Mindanao State University, higit walong daang milyong piso. Ang Isabela State University, pitumpu’t pitong milyong piso.
Mahigit sa isandaan at limampu pa ang mga bayang walang maayos na pagkukunan ng tubig. Pitong milyong pamilya naman ang wala pang maayos na kubeta.
Ang daing ng taumbayan: serbisyo. Serbisyo. Serbisyo.
Tapat at malinis na paglilingkod? Daang matuwid? Tingnan natin ang paulit-ulit na ulat ng anomalya at katiwalian.
Sa 2013-14 COA reports, pinagpapaliwanag ang napakaraming departamento at ahensiya sa hindi wastong paggamit ng pera ng bayan. Kasama rito ang mahigit isang bilyong piso ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at labing apat na bilyong piso ng Department of Agriculture.
Bukod dito ang tripleng paglaki ng PDAF mula nuong 2011 na umabot sa dalawampung bilyong piso bago ito idineklarang unconstitutional; ang pangongotong ng halagang tatlumpung milyong dolyar ng mga opisyales ng MRT sa kumpanyang Inekon na ibinulgar mismo ng ambassador ng Czech Republic.
Ito ang unang pagkakataon na ang kinatawan ng ibang bansa ang nag-reklamo ng pangongotong.
At nangyari ito sa ilalim ng administrasyong nagsasabi na sila ay tumatahak sa daang matuwid.
Huwag nating kalimutan na sa ilalim ng matuwid na Daan, nabisto at naibalita ang anomalya sa pagbili ng mga baril, sasakyan at iba pang gamit sa PNP; mga iregularidad sa LTO; rice smuggling, pangongotong at overpricing ng inaangkat na bigas ng NFA; ang maanomalyang patubig sa sakahan ng NIA; kuntsabahan ng DBM at ibang ahensiya sa PDAF at fake NGOs; ang VIP treatment at hayagang kotongan sa Bilibid; ang IMF report sa paglobo ng smuggling sa labinsiyam na bilyong dolyar taon-taon mula sa tatlong bilyong dolyar noong nakaraang dekada; at ang mahiwagang paglaho ng mahigit dalawang libong containers sa Customs.
Kung walang corrupt, wala raw mahirap. Pagkaraan ng limang taon, marami pa rin ang mahirap at wagas ang pangungurakot.
Magtataka pa ba tayo kung bakit ayon sa Radio Veritas Truth Survey, mahigit sa walo sa sampung Pilipino ang hindi naniniwala na naging totoo ang pangako ng Tuwid na Daan?
Mga kababayan:
Ito ang tunay na kalagayan ng ating bansa.
Dumami ang mahirap, mga walang trabaho at nagugutom. Kulang-kulang pa rin ang serbisyo para sa bayan. Ang laging daing ng taumbayan: trabaho. Trabaho. Trabaho. Serbisyo. Serbisyo. Serbisyo.
Nakalulungkot isipin na limang taon na ang nakakaraan, umupo ang isang bagong liderato na dala ang pangako ng daang matuwid na umano ay patungo sa kaunlaran.
Ngunit sabi nila, kailangang mag-ambag ang lahat. Kailangang ang lahat ay magsakripisyo.
Nakiisa ang taumbayan upang makamit ang inaasam na paglaya sa kahirapan. Nagtrabaho. Nagpunyagi. Nagtiis. Nagsakripisyo.
Hindi natin sukat akalain na pagkaraan ng limang taon – at ngayon ay nagbibilang na lang ng araw bago bumaba sa pwesto ang administrasyong ito – nagtitiis at nagsasakripisyo pa rin ang taumbayan.
Sinasabi nila na naabot daw natin ang pag-unlad nang dahil sa Daang Matuwid.
At para tuloy-tuloy daw ang pag-unlad, dapat ipagpatuloy at palawakin pa ang Daang Matuwid.
Mga kababayan, kahit kailanman hindi isang slogan ang mag-aangat sa kalagayan ng sambayanan.
Hindi ang slogan ng Daang Matuwid ang magdadala sa atin sa kaunlaran.
Ang mga namumuno ng bansa, ang masang Pilipino katulad ng mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa dito sa Pilipinas at ating mga OFWs – sa kanilang mga bisig nakasalalay ang kaunlaran.
Ngunit sa limang taong pagbiyahe sa daang matuwid, ang masang Pilipino ay naiwanan.
Ang mga institusyong hindi nila matakot o mapasunod, katulad ng mga pribado at relihiyosong samahan, ay ginigipit at sinisiraan.
Ang mga haligi ng gobyerno – ang mga karaniwang kawani, ang mga sundalo at ang mga pulis – sila rin ay napag-iwanan.
At ang masaklap pa rito ay binalewala ang kanilang mga sakrispisyo sa ngalan ng serbisyo publiko.
At sa kaso ng ating mga bayani gaya ng SAF 44, nananatiling mailap ang hustisya para sa kanilang mga pamilya.
Pagkaraan ng limang taon, isang bagay ang malinaw:
Hindi makakamit ang tunay na ginhawa sa biyaheng Tuwid na Daan na manhid at palpak naman.
Lalong magiging mailap ang maginhawang buhay kung bibigyan pa ng anim na taon ang isang administrasyong walang malasakit sa mahihirap.
Malalagay sa alanganin ang kinabukasan ng ating mga anak sa lideratong kapos sa karanasan o kaya ay may karanasan nga ngunit napatunayang palpak.
At lalong maghihirap ang masang Pilipino kung magpapatuloy ang pamumuno ng mga hindi nakauunawa sa kanilang kapwa Pilipino.
Patuloy na maghihirap ang masang Pilipino kung ang mamumuno ay mga taong ni minsan sa buhay nila ay hindi naranasan ang magutom at mahiga sa matigas na sahig.
Mga kababayan, sa kabila ng maraming paghihirap, hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa.
Hindi tayo sumusuko, tuloy-tuloy ang ating pagsisikap at ang ating paglaban. Nananalig na sa dulo ng pagsubok ay may naghihintay na biyaya, pagpapala at ginhawa.
Magsama-sama tayo at tahakin natin ang tunay na landas tungo sa kasaganahan at ginhawa para sa lahat.
Sa mga susunod na araw, isasangguni ko sa inyo – kayo na mga napag-iwanan ng biyahe sa Tuwid na Daan – ang mga programa at patakarang dapat ipatupad na ang layunin ay mabigyang ginhawa ang bawat Pilipino.
Sama-sama nating balangkasin ang isang bagong kabanata sa ating pagsusulong ng kasaganahan at ginhawa para sa lahat.
Mga kababayan, hindi mabubuo ang okasyong ito kung hindi natin kikilalanin at pasasalamatan ang mga taong sumasagisag sa ating bansa.
Mga taong tumupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, mga taong nag-alay ng kanilang buhay, mga taong tunay at tapat na Pilipino.
Sila ang mga kasapi ng Special Action Force na lumaban sa mamasapano, kasama ang mga magigiting na SAF 44.
Nagpapasalamat at sumasaludo ang bayan sa inyo:
- Sr. Inspector Ryan Ballesteros Pabalinas
- Sr. Inspector John Garry Alcantara Erana
- Sr. Inspector Max Jim Ramirez Tria
- Sr. Inspector Cyrus Paleyan Anniban
- Sr. Inspector Gednat Garambas Tabdi
- Inspector Joey Sacristan Gamutan
- Inspector Rennie Lumasag Tayrus
- Spo1 Lover Ladao Inocencio
- PO3 Rodrigo Fernandez Acob, Jr.
- PO3 Virgel Serion Villanueva
- PO3 Andres Viernes Duque, Jr.
- PO3 Victoriano Nacion Acain, Jr.
- PO3 Noel Onangey Golocan
- PO3 Junrey Narvas Kibete
- PO3 Jed-In Abubakar Asjali
- PO3 Robert Dommolog Allaga
- PO3 John Lloyd Rebammonte Sumbilla
- PO2 Amman Misuari Esmulla
- PO2 Peterson Indongsan Carap
- PO2 Roger Cordero Cordero
- PO2 Nicky De Castro Nacino, Jr.
- PO2 Glenn Berecio Badua
- PO2 Chum Goc-Ong Agabon
- PO2 Richelle Salangan Baluga
- PO2 Noel Nebrida Balaca, Jr.
- PO2 Joel Bimidang Dulnuan
- PO2 Godofredo Basak Cabanlet
- PO2 Franklin Cadap Danao
- PO2 Walner Faustino Danao
- PO2 Jerry Dailay Kayob
- PO2 Noble Sungay Kiangan
- PO2 Ephraim Garcia Mejia
- PO2 Omar Agacer Nacionales
- PO2 Rodel Eva Ramacula
- PO2 Romeo Valles Senin II
- PO1 Russel Bawaan Bilog
- PO1 Angel Chocowen Kodiamat
- PO1 Windell Liano Candano
- PO1 Loreto Guyab Capinding Ii
- PO1 Gringo Charag Cayang-o
- PO1 Romeo Cumanoy Cempron
- PO1 Mark Lory Orloque Clemencio
- PO1 Joseph Gumatay Sagonoy
- PO1 Oliebeth Ligutan Viernes
Maraming salamat.
Mabuhay ang minamahal nating bayang Pilipinas.