(Editor’s note: We are posting a short story in Filipino submitted by one of the participants in the Young Writers Summer Program.)
Lunes na naman at muli kang nagmamadali. Mag-ingat sa pagtakbo at baka masira ang biology project na iyong pinagpuyatan. Buong gabi kang gumuguhit ng bacteria. Tunay na mamangha! Halos wala ka nang tulog subalit napaginipan mo pa rin na unti-unti kang kinakain ng E. coli.
Dahan-dahan ka na lamang na maglakad patungo sa iyong unang klase. Kanina ka pa naman late. Dumaan sa vending machine na nasa ikalawang palapag. Naalala mong hindi ka pa pala nag-aagahan at kumakalam na ang iyong tiyan. Nasa susunod pa namang palapag ang silid-aralan para sa physics. Manalig na mauubos mo ang kape na iyong binili.
Biglang natapon ang paubos na sanang mainit na instant cappuccino nang biglang may kumakaripas ng takbo. Isisigaw mo na sana ang paborito mong series of bad words pero napansin mo na si Chris pala ang nagmamadali. Basa pa ang kaniyang buhok at kumikinang ang ilang patak ng tubig sa mapula niyang pisngi. Pinunasan niya ang kapeng tumalsik sa kaniyang braso gamit ang wet wipes na binigay mo. “Sorry, papalitan ko na lang yung kape mo, hahaha! Meet me after class,” sabi ng hinihingal mong crush. Pigilan ngumiti.
Matagal mo nang kaibigan si Chris. Hindi mo na rin maalala kung kailan ka nagsimulang magkagusto sa kaniya. Ang tanging alam mo lamang ay masaya kang kasama siya at napapangiti ka niya.
Magpanggap na pagod na pagod sa pagmamadali para hindi akalain ng iyong guro na wala kang pakialam. Tahimik na umupo sa bakanteng silya. Mabilis na kunin ang iyong kuwaderno at piliting makinig. Kailanman, hindi mo nagustuhan ang math. Sa ikatlong kapat, wala kayong ibang pinag-uusapan kung hindi acceleration: positive acceleration, negative acceleration, deceleration, at kung anu-ano pa. Sa nalalabing oras, pagisipan kung ano ang kabuluhan nito sa iyong buhay. Hindi naman kailangan ng isang biologist ang analytical physics.
Isinulat na ni Bb. Yumi ang Challege Problem of the Day, “What is the acceleration of the runner if…” Ito ang bago niyang gimmick na sinimulan noong nakaraang linggo lamang. Hindi mo pa tapos guhitin ang kulay pink mong diagram ng magtaas na ng kamay si Chris upang sumagot. “Sige, dear, isulat mo sa pisara ang tamang sagot at ipaliwanag sa klase,” wika ng guro. Nahuli man sa klase, gamay na gamay pa rin ni Chris ang paksa. Mamangha sa angking talino ng iyong crush. Magalak dahil alam mo na kung bakit ka mag-aaral ng physics mamayang gabi.
Muling pinuri ni Ginang De Leon ang iyong proyekto. Marahil, siya ang pinaka-terror na guro sa biology. Siya’y masungit at tunay na mataray. Pero, tila ikaw naman ang paborito niya. “This cross-section diagram is spectacular! Verrrrry good!” sabi ng guro. Huwag kang masyadong ngumiti at baka akalain ni Chris na mayabang ka. Hirap kasi siya sa biology. Madalas, mabababa ang kaniyang mga marka. Marahil, hindi kaayaaya ang biology para sa kaniya, tulad ng pag-ayaw mo sa physics. Tahimik na pagnilayan ang lyrics ng hit single ni Mariah Carey na “We Belong Together” at maaliw sa bagong theme song ng buhay mo.
Umiindak ka pa sa paborito mong linya ng kanta nang sumigaw si Ginang De Leon, “Class! We will have a long exam on bacteria next week … and expect that it will be extremely hard! You will answer the test in pairs.”
Hindi ka makapaniwala na si Chris ang iyong ka-pares. Pagkatapos ng klase, agad mong pinuntahan ang iyong matalik na kaibigan, “Kim! Kim! Kim!”
Uminon ng tubig at baka himatayin ka pa. Sa timbang mo na 180 pounds, siguradong hindi ka kayang buhatin ni Kim.
“Girl, baka from friends maging lovers na kayo, hahaha” panunukso ng iyong kaibigan. “Di ba may date pa kayo mamaya?” Lalo pang lumaki ang abot-tainga mong ngiti.
Dahan-dahan mong ayusin ang iyong buhok. Kailangan na siguradong mapapansin ka ni Chris. Maghilamos ka na rin. Dahil sa labis na pagpupuyat, may pailan-ilan na ring tigyawat ang umusbong. Maalala mong nakalimutan mong kunin ang iyong toothbrush kaya naman mabilis kang pumunta sa locker. Subukan mong huwag masyadong kabahan.
Maupo ka malapit sa pintuan ng canteen para mabilis kang makita ni Chris. Mag-aral ka ng math habang naghihintay. Sa gilid ng iyong mga mata, napansin mo na paparating na siya. Tangan-tangan niya ang dalawang bote ng Coke. Si Chris ay nakabibighani sa dilaw na football jersey. Miyembro kasi siya ng varsity team. Magpalit ng paboritong kulay.
“Rosie!” sigaw ni Chris.
Biglang bumilis ang tibok ng iyong puso. Gusto mong sumigaw sa labis na kasiyahan. Hindi magkamayaw ang iyong nararamdaman. Huwag kang lumingon at magkunwari na hindi mo siya narinig.
“Rosie, pasensiya na at nahuli ako. We just finished training.”
Sumagot ka ng tila walang interes, “Ahhh, ikaw pala, ’di kita napansin. Ang gwapo lang kasi ni Miguel sa kabilang table.” Tumitig sa pinakamalapit na Miguel. Inabot ni Chris ang inumin.
“Para sayo, sorry talaga.”
“Wala iyon! Buti at hindi ka nadapa, ang bilis mo kasing tumakbo.”
“Hahahahahahahahahahaha! Huwag ka magalala, si Superman yata ako!”
“Pangit na Superman, hahaha!”
Kalimutan mo na may meeting ka pa sa Biology Society. Namnamin ang bawat minuto. Ang kaniyang matamis na tawa ay isapuso. Pagmasdan ang kinang sa kaniyang mga mata. Mahulog sa patibong ng pag-ibig, subalit ika’y malaya.
Magtatalon sa tuwa nang matanggap ang text ni Chris, “Rosie, let’s study at the library after class … gusto kong bumawi sa bio ehhh!” Mag-reply ka, “Sige, see you around 4.”
Basahin mo ng mabuti ang buong kabanata ukol sa bacteria. Kumuha ng isang blankong kuwaderno at itala ang lahat ng mahahalagang impormasyon. Gusto mong makakuha ng mataas na marka si Chris kaya naman kakayanin mong magpuyat para lamang matapos ang sulat-kamay na reviewer.
“What is the apparatus that can be used to view microorganisms?”
“Microscope!” pasigaw na sagot ni Chris.
“E. coli forms a light yellow colony?”
“True, tama yan! Sigurado ako!”
Sabihin mo, “Gumagaling ka na ah!”
“Gram-positive bacteria can be differentiated from gram-negative bacteria using the gram-staining technique. What is the secondary dye in this staining method?”
“Alam ko yan, sinabi mo yan kanina! Ano ulit…” sabi ng naguguluhang si Chris.
“Secret … secret!”
“Sabihin mo na hahaha!”
Ipaliwanag kay Chris ang mechanism ng gram-staining at bigyang pansin ang mga dye na ginamit. Ulit-ulitin ang “Safranine,” ang dye na nakalimutan niya sa review niyo.
Dalawang oras na kayong nag-aaral. Natapos niyo na rin sagutin ang reviewer na iyong ginawa. Hindi makapaniwala si Chris na lubos na niyang naiintindihan ang lahat ng paksa. “Ganoon lang pala kasimple iyan, hahaha! Kayang-kaya ko na ang exam!” Nakangiti kang sumagot, “Good luck sa test! I know that you’ll do well!”
Palabas na kayo ng library ng tanungin ka ni Chris, “Crush mo ba si Miguel?” Tumawa ka at matamis na ngumiti. Sabayan mo pa ng kindat! “Ehhh ikaw, sino ba ang crush mo?” tanong mo kay Chris.
Sagot niya, “Wala…”
“Ano ba ang hinahanap mo sa isang babae?”
“Hmmm matalino, masipag, maganda, at sexy! Collar-bones pa lang … hay!”
“Ahhhhh…”
Nanliit ka, tila bacteria, dahil sa malaki mong katawan. I-text ang mga miyembro ng Biology Society at magpatawag ng instant general assembly. Ngumiti at magpaalam na.
Magpabili ng wet wipes kay Manong. Sabi sa artikulo na nabasa mo sa isang magasin, gumamit ng wet wipes upang magpunas ng luha para hindi mairita ang iyong mga mata. “The fiber of the facial tissue irritates the eyes” sabi sa lathalain.
Ipaalala kay Manong na kumuha ng nonscented hypoallergenic double-layered wipes.
Naaalala mo kasi si Chris sa “Morning Breeze” variant.
Huwag mo munang siyang kausapin. Masakit makita si Chris. Bumuntot ka kay Kim at yayain siyang pumunta sa cafeteria. Ilibre mo siya para sabayan ka niyang mag-stress eating. Bumili ka ng ice cream, donut, at chocolate. Pero, tubig lang ang inumin mo. Ayaw mo namang tumaba.
Mukhang napansin na ni Chris ang ginagawa mong pag-iwas. Pagkatapos ng huli niyong klase, siya’y lumapit, “Are you done hating me?” Magulat ka. Sabihin mo, “What? I don’t get you.” Magpanggap na hindi ka nasaktan at wala kang pakialam.
Magpanggap na walang nangyayari.
Naglaho na ang nakabibighani niyang ngiti. Mapula na ang dating makinang niyang mga mata. Dahan-dahang pumapatak ang kaniyang mga luha.
Lunes na naman at muli kang nagmamadali. Mag-ingat sa pagtakbo.
Carlo Novero is a fourth year student at Philippine Science High School (main campus).