Letter from Mindoro to the national hero

(Editor’s Note: The following is excerpted from the first-prize-winning essay in the PreMYo Rizal contest for grade school students who were asked to answer, in a letter to national hero Jose Rizal, the question: Kung nabubuhay si Rizal ngayon, ano ang nais mong sabihin o itanong sa kaniya? The author is a student at the elementary department of the Occidental Mindoro State College, Region IV-Mimaropa.)

Mahal kong Lolo Pepe,

Pagbati at pagdakila sa inyo!

Isa po akong Mindoreño at alam kong malapit kaming mga Mindoreño sa puso mo. Nabatid ko po mula sa aking pagbasa na bagaman hindi na napasama at nailimbag sa unang nobela mong “Noli Me Tangere” ang orihinal na Kabanata XIV o ang Kabanatang “Elias at Salome,” nalaman ko po na dito ay nabanggit mo ang Mindoro. Salamat po sa pagpapahalaga sa aming lalawigan.

Dahil po ako’y Mindoreño, nais ko pong ibahagi sa inyo ang kalagayan ng orihinal na mga ninuno ng lahing Mindoreño—ang mga katutubong Mangyan.   Dama ko po ang kanilang nararamdaman, ang kanilang hinaing, pangangailangan sa tuwi-tuwinang sila’y bumababa sa kapatagan upang manghingi ng limos.

Malinaw po na “paggising sa natutulog na damdamin ng ating kababayan” ang iyong layunin sa pagsulat ng iyong nobela. Ganun din ang pakay ko sa pagsulat ng liham na ito. Nais ko pong ipahatid sa pamamagitan ng pagliham sa inyo ang paghihirap na nararanasan ng mga katutubo nating Mangyan dito sa Mindoro. Batid ng marami dito sa Mindoro na sila’y pinaalis at itinaboy mula sa kanilang lupang sinilangan at wala silang magawa kundi manirahan sa bundok. Ang mas malala pa, pati ang bundok na kanilang pinaninirahan at pinagkukunan ng ikinabubuhay ay nais pa ring kamkamin ng mga taga-kapatagan, na itinuturing nilang mga Kristiyano.

Ang pinakamatindi sa mga ito ay ang nakaambang panganib ng pagmimina sa aming lalawigan. Tiyak na masisira ang kalikasan, ang kultura ng mga katutubo, ang tirahan ng tamaraw at daranas ng kalamidad ang minamahal naming lalawigan.

Matagal nang panahong nararanasan ito ng mga katutubo. Panahon pa ng aking lolo hanggang sa aking ama ay hindi napag-uukulan ng pansin at kalinga ng pamahalaan ang nakararami sa mga Mangyan. Ganoon pa rin ang kalagayan ng nakararami sa kanila hanggang sa kasalukuyan.

Hindi po naman sinasabing lahat ng nasa gobyerno ay walang malasakit. Tulad din ng nabanggit ninyo sa inyong nobela, ang Gobernador-Heneral, sina Lieutenant Guevara at Don Tibucio ay nakilala ko bilang karapat-dapat, dakila at tapat na mga tao.

Mayroon din namang nag-ukol ng panahon at pagkalinga sa katutubong Mangyan. Nariyan si Ferdinand Elizalde, ang mga misyonerong pari at madre na nakipamuhay sa mga katutubo upang higit nilang madama ang uri ng pamumuhay nila at upang maging instrumento ng kanilang pagbabago, pagkamulat at paglago.

Bagaman taga-Mindoro po ako, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makipamuhay sa mga Mangyan. Kaya naman nang malaman ko po ang pinagdaraanan ng mga Mangyan ay hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko. Naghalo ang lungkot, poot, pagkadismaya at awa sa aking puso. Sino pa nga ba ang magmamalasakit sa aming mga tunay na ninuno kundi kaming mga taga-Mindoro rin.

Mabuti nga po at may mga mangilan-ngilang nagmamalasakit pa ngayon; nagbibigay ng “scholarship,” ng trabaho, kumalinga, nagbibigay ng tulong ng walang kapalit. Ngayon, maituturing ko na po silang bayani, bayaning makabagong panahon—mga nagsalba sa kinabukasan at lipi ng ating mga katutubong Mangyan.

Sana po ay ganito ang lahat, hindi lamang ng mga Mindoreño kundi lahat ng Pilipino sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas—mga taong iginagalang ang kanilang mga katutubo, katutubong nag-ingat, nangalaga, nagmahal at nagbuwis ng buhay sa kanilang “ancestral land.”

Hangad ko po na sana ay matuto ang marami sa aming kababayan na lubos pang pag-ingatan at mahalin ang Mindoro tulad ng ginawa ng mga katutubo.

Marami pa po akong nais ibalita sa inyo ukol sa aming lalawigan na minsan ay pinahalagahan mo sa iyong panulat.

Hanggang sa muli ko pong pagliham.

Lubos na nagmamahal,

Diane

Read more...