(The full statement of Vice President Leni Robredo on her acceptance of appointment as co-chair of the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs)
Magandang hapon!
Kahapon, nakatanggap tayo ng liham mula sa Pangulo na nag-aatas sa atin na pangunahan ang kampanya laban sa iligal na droga sa nananatiling dalawa’t kalahating taon ng kaniyang termino.
Maraming nagpahayag ng pangamba na hindi sinsero ang alok, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at pahiyain ako. Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang ito sa akin ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war. Maraming nagsasabi na naghahanap lang ng damay ang administrasyong ito.
Hindi naman ako nagpahayag ng aking mga puna sa drug war dahil naghahabol ako ng puwesto. Hindi ko hiniling ito. Sa Pangulo nanggaling ang ideyang ito.
Pero sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito.
Kaya tinatanggap ko ang trabaho na binibigay sa akin ng Pangulo.
Mula simula, ang gusto ko ay ang maging maayos ang kampanya laban sa iligal na droga. Itigil ang pagpatay sa mga inosente. Panagutin ang mga abusadong opisyal tulad ng mga ninja cops at mga nagpalusot ng tone-toneladang shabu. Bigyan ng hustisya at boses ang mga pamilya ng mga pinaslang na walang kasalanan. Habulin ang mga malalaking drug lords na talagang sumisira sa ating lipunan, hindi lang ang maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto.
At kahit sabihin na nating ang alok na ito ay pamumulitika lamang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya, at gagawin nila ang lahat para hindi ako magtagumpay, handa akong tiisin ang lahat ng ito. Dahil kung mayroon akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan.
Alam ng Pangulo kung ano ang posisyon ko sa drug war: tutol ako sa pagpatay ng mga inosente, kontra ako sa pang-aabuso ng mga opisyal. Alam niya ang aking mga puna. Alam niya ang mga balak kong ayusin.
Kaya kung iniisip niya na sa pagpayag na ito ay tatahimik ako, nagkakamali siya.
Simula pa lang, handa tayong tumulong sa ikabubuti ng bayan. Pero kailanman, hindi natin isusuko ang ating mga paniniwala.
Hindi laro-laro ang usapang ito. Seryosong usapan kapag buhay ang nakataya. Tinatanong nila ako kung handa ba ako para sa trabahong ito.
Ang tanong ko: handa ba kayo para sa akin?
Mr. President, dalawa’t kalahating taon na lang ang naiiwan sa iyong administrasyon. Hindi pa naman huli ang lahat.
Puwede pa nating pagtulungan ito.
Maraming salamat.
– 30 –
READ: BREAKING: Robredo accepts Duterte’s drug czar post